Below is the material for our Family Prayer Cell on May 5, 2021.
Kung gusto mo ng printable version, pwedeng idownload dito:
Be Bold
May 5, 2021
Acts 4:23-31
By: Meki Carolino-Fetil
1. Picture Taking
2. Pagbati
Magandang umaga/tanghali/hapon/gabi! Salamat sa Diyos na tayo ay magkakasamang muli para manalangin at magpuri at making sa Salita Niya! Once a week lamang itong FPC kaya naman ibigay natin ang ating buong atensyon at focus sa ating gawain ngayon.
3. Pag-aawitan
(kung hindi alam, subukang hanapin sa Youtube o magtanong. Magandang matuto ng iba’t ibang awit para sa Dios)
Song 1: Babad (Youtube link)
KAY SARAP-SARAP PA RIN SA IYO
O PANGINOON
ANG MGA PAGPAPALA MO
AY LUBOS-LUBOS
MINSAN ANG AMING KAAWAY
PILIT NA TINATANGAY ANG DAMDAMIN
AT SA AMING PAGPUPURI
AKO'Y LUBOS NANG TAGUMPAY
ANG KAILANGAN LANG AY
BABAD SA PRESENSYA MO
BABAD SA IYONG SALITA
TULAD NG ISANG USA
NA LAGING UHAW SA IYO
Song #2: Ikaw ang Tunay Na Diyos (Youtube link)
PUPURIHIN KA O DIYOS
ANG AMING ALAY AY PAGSAMBA
KALUWALHATIAN
BUONG KARANGALAN
KAPANGYARIHAN MO'Y WALANG KATULAD
(repeat)
IKAW ANG TUNAY NA DIYOS
IKA’Y WALANG KATULAD
IKA'Y NAG IISA
IKAW LAMANG WALA NG IBA
SAYO ANG AMING AWIT
DINGGIN ANG AMING TINIG
ISISIGAW SA BUONG MUNDO
KALUWALHATIAN MO
4. Pambungad na Panalangin
“Dios naming Ama sa langit, salamat sa araw na ito na kami’y pinagsama-sama Mo muli. Nawa ay bigyan mo kami ng bukas na puso at isip para sa salitang maririnig naming ngayong araw na ito. Maitanim ito nawa sa ‘mabuting lupa’ para magbunga ito sa aming mga buhay.
Salamat rin po sa mga panalanging sinagot na at alam naming sasagutin Mo sa mga darating na araw. Patuloy Niyo po kaming bigyan ng puso na nakikita ang Inyong nakikita, nagmamalasakit sa nais Niyong pagmalasakitan, at nagmamahal sa mga nais Niyong mahalin.
Sinasaway naming ang mga gawa ng kaaway na nais kaming i-distract sa aming gawain ngayon.
Sa pangalan ni Hesus, AMEN.”
.
5. Pagbasa ng Scripture
Acts 4:23:-31 (Basahin nang may pag-unawa.)
23 - Nang palayain na sina Pedro at Juan, pumunta sila sa mga kasamahan nila at ibinalita ang sinabi ng mga punong pari at ng mga pinuno ng bayan.
24 - Nang marinig ito ng mga mananampalataya, sama-sama silang nanalangin sa Diyos, “Panginoon, kayo po ang lumikha ng langit at ng lupa, ng dagat at ng lahat ng nasa mga ito!
25 - Kayo po ang nagsalita sa pamamagitan ng aming ninunong si David na inyong lingkod nang sabihin niya sa patnubay ng Espiritu Santo, ‘Bakit galit na galit ang mga Hentil, at ang mga tao'y nagbalak ng mga bagay na walang kabuluhan?
26 - Naghanda para sa digmaan ang mga hari sa lupa, at nagtipon ang mga pinuno laban sa Panginoon at sa kanyang Hinirang.’
27 - Nagkatipon nga sa lungsod na ito sina Herodes at Poncio Pilato, kasama ang mga Hentil at ang buong Israel, laban sa inyong banal na Lingkod na si Jesus, ang inyong Hinirang.
28 - Nagkatipon sila upang isagawa ang lahat ng bagay na inyong itinakda noong una pa man ayon sa inyong kapangyarihan at kalooban.
29 - At ngayon, Panginoon, tingnan ninyo, pinagbabantaan nila kami. Bigyan ninyo ng katapangan ang inyong mga alipin upang ipangaral ang inyong salita.
30 - Iunat ninyo ang inyong kamay upang magpagaling, at loobin ninyo na sa pangalan ng inyong banal na Lingkod na si Jesus ay makagawa kami ng mga himala.”
31 - Pagkatapos nilang manalangin, nayanig ang kanilang pinagtitipunan. Silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at buong tapang na nangaral ng salita ng Diyos.
6. Pagpapaliwanag ng Mensahe
Background
Naaalala ba ninyo ang diniscuss natin last week na lalaking lumpo at nanlilimos na pinagaling na? Hindi pa doon natatapos ang kwento.
Matapos mapagaling ang lalaki, pumunta sa ‘Portiko’ (parang entrance ito na may bubong) ng templo si Pedro. Dito ay inihayag niya sa mga tao na: (3:16) Ang kapangyarihan ng pangalan ni Jesus ang nagpagaling sa lalaking ito; nangyari ito dahil sa pananalig sa kanyang pangalan.
Tandaan: Ang mga taong kanyang kausap (na mga taga-Israel) ang mga humingi kay Pilato na ipako si Hesus.
Hinikayat ni Pedro ang mga tao na magsisi at manumbalik sa Diyos upang patawarin ang kanilang mga kasalanan at upang mapasakanila ang presensya ng Diyos. Inexplain niya pa na ang mga nangyari kay Hesus ay ipinahayag na noon pa sa pamamagitan ni Moses at ibang mga propeta.
Habang nagsasalita pa si Pedro at Juan sa mga tao, dumating ang mga paring Hudyo, ang kapitan ng mga bantay sa templo, at mga Saduceo (4:1). Nagalit sila dahil sinasabi ng mga apostles na ito na si Jesus ay nabuhay mula sa mga patay. (Note: Ang mga Saduceo ay hindi naniniwala sa resurrection.) Inaresto sila at ikinulong hanggang kinabukasan.
Kinabukasan, nagtipon muli ang mga rulers, elders, scribers, kasama ang High Priest at kanyang mga kamag-anak. Kinwestyon nila si Pedro at Juan: (4:7) Sa anong kapangyarihan o sa kaninong pangalan ninyo ginagawa ang bagay na ito?
Pinahayag ni Pedro nang may tapang, habang puspos sa Banal na Espiritu, na ito ay nagawa nila sa kapangyarihan ng pangalan ni Hesu Kristo na kanilang ipinako sa krus. Nagtaka ang “Kapulungan” na nagsisiyasat sa kanila kung bakit sila may boldness at confidence samantalang hindi naman sila aral. Na-realize nila na kasamahan si Pedro at Juan dati ni Jesus.
Marahil gusto nilang kontrahin ang dalawa, pero dahil katabi nila Pedro at Juan ang lalaking pinagaling (meaning: may proof na talagang nakapagpagaling sila), wala silang nasabi bukod sa pinagsabihan na lamang sila na huwag nang magsalita kaninuman ng pangalan ni Jesus.
Ang sagot naman ng dalawa ay: (4:20) Hindi maaaring di namin ipahayag ang aming nakita at narinig.
1. Lumapit agad sa Diyos
Sabi sa v.23-24: Nang palayain na sina Pedro at Juan, pumunta sila sa mga kasamahan nila at ibinalita ang sinabi ng mga punong pari at ng mga pinuno ng bayan. Nang marinig ito ng mga mananampalataya, sama-sama silang nanalangin sa Diyos…
Nakakatuwang tingnan ang unang ginawa ni Pedro at Juan, kasama ang mga iba pang mananampalataya. Sama-sama silang nanalangin sa Diyos! Matapos humarap sa ‘persecution’ o sa ‘challenge’ (tandan: sila ay nakulong at ininteroga), ang kanilang response ay manalangin at dumulog sa Diyos.
Kung sa ‘natural’ ang iisipin, marami silang ibang pwedeng naging response – magmukmok, mag-strategize ng gagawin, etc. Pero pinili nilang manalangin. Bakit kaya?
Sabi sa karugtong ng v.24, ito ang simula ng kanilang panalangin: “Panginoon, kayo po ang lumikha ng langit at ng lupa, ng dagat at ng lahat ng nasa mga ito!”
Malamang ay nanalangin sila dahil alam nila na walang ibang makakatulong higit sa tulong na maibibigay ng Diyos. Bakit? Siya ang may likha ng lahat! Alam nila na ang Diyos ay powerful at sovereign over all things!
Reflect muna:
1. Kapag nakakaranas tayo ng challenge or trials – hindi lang sa praktikal na bagay, kundi kapag narereject tayo kapag nagsshare ng Gospel, o kaya napepersecute ng iba dahil sa ating pananampalataya, o kaya hindi natin alam kung paano magsisimula mag-disciple – ano ang una nating ginagawa? Lumalapit ba tayo agad sa Diyos?
2. Alam na mayroong persecution
Makikita natin sa karugtong ng kanilang prayer sa v.25-29 (balikan sa itaas o tingnan sa Bible) na hindi marahil hindi sila nagulat na mayroong persecution. Alam nila na si Jesus mismo ay na-persecute at hindi tinanggap ng mga tao – na-prophecy na ito sa Old Testament pa lang at natupad nga nang si Jesus ay nandito sa mundo.
Maraming tao sa mundo na nahihirapan tanggapin si Jesus dahil kakaiba ang kanyang message sa mga nakasanayan nila. Kayo rin bilang taga-sunod ay dapat handing humarap sa persecution (panunuligsa). Lalo sa mga panahon ngayon, tila napaka-challenging mag-share sa iba tungkol kay Jesus. Natatakot tayong ma-reject o maka-offend o mapahiya. Sabay nalang tayo sa uso, o makiki-ride sa kung ano ang opinion ng iba at sinasabi ng mundo.
Hindi naman natin “hinahangad” na ma-persecute, pero ang katotohanan ay bahagi ito ng buhay kapag naniniwala at sumusunod sa Diyos. Kapag binabahagi natin si Jesus sa iba – asahang may mga tao na maaaring maging ‘against’ sa iyong ginagawa.
Iba’t ibang uri ang mararanasan natin – ang iba ay talagang kinukulong at pinapatay (gaya ng mga disciples noon at maging mga missionaries ngayon sa mga striktong bansa), ang iba ay itinataboy ng pamilya (parang ang babaeng may Muslim family sa pelikulang ‘God’s Not Dead’), ang iba ay hindi na masyadong tinatanggap sa mga grupo ng mga kaibigan, at kung anu-ano pa.
Note: Iba ang ‘persecution’ sa ‘consequence’ o sa ‘problems’. May mga iba tayong nararanasan na idinulot ng mga hindi kaaya-aya nating nagagawa (consequence). May mga bagay naman na sadyang napagdadaan dahil tayo ay nasa ‘distorted and perverted’ na mundo (problems).
Reflect muna:
1. Sa iyong sariling mga salita, bakit kaya bahagi na ng buhay Kristyano ang magkaroon ng persecution?
2. Nakakaranas ka na ba ng persecution? Kung oo, ibahagi. Kung hindi pa, sa tingin mo, bakit kaya hindi?
3. Humingi ng tapang!
Ituloy natin ang karugtong ng panalangin nila. Sabi sa kasunod sa v.24: …Bigyan ninyo ng katapangan ang inyong mga alipin upang ipangaral ang inyong salita.
Humingi ba sila ng protection o ng covering? Humingi ba sila na kidlatan nalang ng Diyos ang mga tumutuligsa sa kanila? Hiningi ba nila na magpadala na lang ang Diyos ng ibang tao para mag-share sa mga tao?
Ang hiningi nila ay KATAPANGAN para PATULOY silang magpangaral…hindi lang ng kung anu-anong salita o sarili nilang pananaw kundi ng SALITA NG DIYOS.
Wow! Kahit na sila ay ini-intimidate ng mga pinuno noon, ang panalangin nila ay makapagpatuloy pa rin. Bakit kaya? Siguro gets na gets nila kung gaano kahalaga ang pinagagawang ito ng Diyos. Alam nila na ito ang misyon nila.
Alam mo bang ito rin ang misyon mo—na ipangaral si Hesus sa iba? Hindi lang ito pang-pastor, o pang-church leader. Lahat tayong mga naniniwala sa Diyos ay may “calling” na ipahayag ang pag-ibig ng Diyos sa iba at hikayatin sila na maniwala at sumunod din sa Kanya.
Reflect muna:
1. Kung minsan ba ay natatakot ka na i-share si Jesus sa iba? Bakit ka kaya natatakot? (Natatakot ba mapahiya? Hindi alam ang sasabihin? Etc.)
2. Ano ang pwedeng gawin o pwedeng tandan para maging matapang sa pangangaral.
4. Humingi ng kapangyarihang magpagaling at gumawa ng himala!
Sabi sa v.30: Iunat ninyo ang inyong kamay upang magpagaling, at loobin ninyo na sa pangalan ng inyong banal na Lingkod na si Jesus ay makagawa kami ng mga himala.”
Bukod sa tapang na magpatuloy, humiling din sila na kumilos ang Diyos at magpagaling, at na makagawa sila ng mga himala sa ngalan ni Hesus. Nais nilang hindi lang makarinig ng “Magandang Balita” ang mga taong papahayagan nila, kundi na makakita rin sila ng mga kagilagilalas na pangyayari sa kanilang buhay!
Kung papansinin natin sa Matthew, Mark at Luke, kasama sa mga commands ni Jesus kapag isinusugo niya ang kanyang mga disciples sa iba’t ibang lugar ang MAGPAGALING at GUMAWA NG HIMALA. Maging si Jesus mismo ay ginawa ito noong nandito Siya sa mundo.
Gaya ng pinag-usapan natin last week, madaling magbigay ng praktikal na tulong gaya ng damit at pagkain o pera. Maraming natutulungan sa ganitong paraan pero ‘spiritually lost’ pa rin sila. Gusto ng Diyos na makaranas ang mga tao ng Kanyang supernatural power para mas lalo nilang makita na Siya ang kumikilos!
Reflect muna:
1. Ano kaya ang impact sa mga taong pinapahayagan natin ng Gospel kung may kalakip itong pagpapagaling at himala?
5. Napuspos ng Banal na Espiritu
Sabi sa v.31: Pagkatapos nilang manalangin, nayanig ang kanilang pinagtitipunan. Silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at buong tapang na nangaral ng salita ng Diyos.
Agad na sinagot ng Diyos ang kanilang panalangin na magkaroon ng tapang at kapangyarihan na magpagaling at gumawa ng himala. Bakit? Ang susi sa mga ito ay ang BANAL NA ESPIRITU, at sila ay Kanyang napuspos!!
Pansinin ang huling parte ng verse: silang lahat ay…buong tapang na nangaral ng salita ng Diyos. Hindi na lamang si Pedro at si Juan, kundi silang lahat ay nangaral nang may tapang!
Nawa maging desire din natin na tayo ay mapuspos! Hindi lang ang sarili natin kundi maging ang ating pamilya, ang ating Care Circle, ang ating MFGC family! Hindi tayo makakakilos at makakapagpatuloy na gumawa ng ating misyon sa mundo nang may BOLDNESS and CONFIDENCE kung hindi natin kasama ang Espiritu Santo.
Reflect muna:
1. Napuspos ka na ba ng Banal na Espiritu? Kung hindi pa, ano kaya ang pumipigil sa iyo para maranasan ito?
7. Pananalangin
Concert prayer / sabay-sabay manalangin: Humingi ng pagpuspos ng Banal na Espiritu sa iyo personally, sa iyong pamilya, at sa MFGC family para tayo ay magkaroon ng TAPANG para ipahayag ang salita ng Diyos, at makapagpagaling at gumawa ng mga himala!
Pumili ng isang prayer leader: Ipanalangin ang mga lider ng ating bansa, at ng lungsod na iyong kinabibilangan (Marikina, Antipolo, etc)—nawa ay magkaroon ng takot sa Diyos, maayos na pamamahala, at kalakasan at karunungan.
Pumili ng isang prayer leader: Ipanalangin ang mga kapatiran nating may nadarama sa kanilang mga katawan—maniwalang sila ay magaling na at i-declare ang mga pangako ng Diyos tungkol sa healing! (Note: Bukod sa pananalangin ngayon, nawa ay machallenge tayo na i-chat o i-text o tawagan ang mga kapatirang ito na may sakit at direkta silang ipanalangin.)
Pumili ng isang prayer leader: Ipanalangin ang ating church – na maging Spirit-filled ang ating mga gawain, na makapagpangaral tayo ng kabutihan ng Diyos, at na dumami ang mga DISCIPLES at DISCIPLE-MAKERS.
Pumili ng isang prayer leader: Ipanalangin ang mga couples sa ating church – na sila ay magkaroon ng maayos na pagsasama, na ‘wag maging ‘idol’ ang pamilya kundi maging focused pa rin sa kanilang mission, etc.
Tanungin ang bawat isa tungkol sa mga pagsubok na kinakaharap. Ipanalangin ang requests ng nasa kaliwa at kanan.
8. Testimony
Ibahagi sa iba ang iyong mabuting karanasan sa pagsagot ng Dios sa iyong panalangin. Simulan ito ng pagsabing: ‘I give the glory to God because…’ o “Binibigay ko ang kaluwalhatian sa Dios dahil sa Kanyang ginawa sa akin….”
Mag-isip ng ipagpapasalamat sa Diyos na FRESH at BAGONG EXPERIENCE lamang! Siguradong may ginawang mabuti ang Lord sa iyo nitong mga nakaraang linggo.
9. Offering
Huwag kang magpanic kung mag-ooffering ka! Huwag mo ring sabihin na WALA KANG PERA o KULANG PA NGA. Simulang mag-invest kahit PRAYER MEETING ‘lang’ ito.
10. Pagsalu-salo at Panalanging Pangwakas
Magpasalamat na sa Dios kahit hindi pa nakikita ang sagot. Ipanalangin ang pagkaing nakahain.
11. Mga Anunsyo
Abangan po ang mga kaganapan sa ating church sa buwan na ito at siguraduhing makilahok! Patuloy rin nating ipanalangin na tayong lahat ay mag-umapaw sa pagkapuspos ng Banal na Espiritu.
Mother’s Day po sa Sunday! May kaunting pakulo po sa ating FB para sa mga nanay. Abangan!
May gawain po tuwing SABADO ng 7 pm ang mga kabataan. Muli, icheck na lamang ang ating FB.
Hindi po ba kayo nababati sa birthday niyo? Siguraduhing nagsubmit kayo sa ating database ng inyong info. Link: https://bit.ly/mfgcpersonupdate
Mag-enrol sa Foursquare Bible College online. Malaking tulong ito sa inyong paglago. Magtanong kay Kuya Marts.
Patuloy na i-share ang ating livestream para ang mga kamag-anak mo sa malayong lugar ay makarinig din ng Salita ng Dios. Patuloy ang pag-post ng pictures kaysa kung anu-anong post na lalong nakakasira ng ating testimony.
Comments