top of page

FPC: Akala Mo Lang - Delikado Na Ba?

Writer: Marikina Foursquare
Marikina Foursquare
Aug 8
6 min read

FAMILY PRAYER CELL – AUGUST 2026, WEEK 2

THEME FOR THE MONTH: AKALA MO LANG

THIS WEEK’S TITLE: DELIKADO NA BA?

 

PAGBATI

It’s good to have you sa ating Family Prayer Cell ngayong linggo, kung saan bilang isang pamilya, tayo ay nagsasama-sama para magpuri, makinig ng Salita ng Diyos, manalangin, at magpasakop sa authority ng Diyos.

We are so thankful sa lahat ng pagpapala na meron tayo at ine-enjoy natin bilang pamilya. At ngayong gabi, ibalik natin sa ating Panginoon ang lahat sa ating FPC.

 

PAMBUNGAD NA PANALANGIN

Maraming salamat, Panginoon sa iyong pag-iingat sa bawat isa sa amin. Sa kabila nang pabago-bagong panahon, palagi kang nakabantay sa amin. Maraming salamat sa mga panalanging tinugon mo na at patuloy na tutugunin. Samahan mo po kaming muli at pakinggan sa aming pag-aaral ng iyong Salita, sa aming pag-aawitan at pananalangin, at sa aming pagpapatotoo ng kabutihan mo. Amen

 

PAG-AAWITAN – maaaring may mag-lead o gumamit ng videoke

Kasama Natin ang Diyos

Luis Baldomaro

Diyos Ka sa AminHope Filipino Worship

Kasama natin ang DiyosDi ako mangangambaDi ako mababalisaKasama natin ang DiyosKasama natin ang DiyosDi ako malulungkotDi ako matatakotKasama natin ang DiyosDumaan man ako sa ilogDi ako malulunodDumaan man ako sa apoyDi ako masusunogKasama natin ang Diyos

O Diyos, Ikaw ang tunay na Dakila sa mundo

Ikaw ang Haring nagmahal ng tulad ko

Ginawa mo'ng lahat

Pag-ibig Mo ay tapat at wagas

 

O Diyos, wala nang papantay sa kabutihan Mo

Ang Ngalan Mo'y itataas sa buhay ko

Sundin ang loob Mo

Iparinig ang nais Mo

 

Sa lahat ng panahon, Diyos Ka sa amin

Sa lahat ng oras, nariyan para samin

Panginoon Hesus purihin ka

Dakilain Ka sa buhay ko aming Ama

 

O Diyos, Ikaw ang tunay na Dakila sa mundo

Ikaw ang Haring nagmahal ng tulad ko Sundin ang loob Mo

Iparinig ang nais Mo

 

Di nagbabago, Diyos Ka sa amin

Tanging sandigan, nariyan para samin Panginoon Hesus, maghari Ka

Magliwanag Ka sa buhay ko

 

 

PAGBASA NG SALITA NG DIYOS

Mga Gawa 28:1-6 (MBBTAG)

Nang makaligtas na kami, nalaman naming ang pulong iyon ay tinatawag na Malta. Napakabuti ng ipinakita sa amin ng mga tagaroon, sapagkat nang bumagsak ang ulan at naging maginaw, nagsiga sila at inasikaso kaming mabuti. Si Pablo nama'y namulot ng kahoy at nang mailagay ang mga iyon sa siga, mula roo'y lumabas ang isang ahas dahil sa init. Tinuklaw nito ang kamay ni Pablo. Nang makita ng mga tagaroon ang ahas na nakabitin sa kamay ni Pablo, nasabi nila sa isa't isa, “Tiyak na mamamatay-tao ang taong iyan. Nakaligtas nga siya sa dagat ngunit hindi naman ipinahintulot ng katarungan na siya'y mabuhay pa.” Subalit ipinagpag lamang ni Pablo sa apoy ang ahas at hindi siya naano. Hinintay nilang mamaga si Pablo, o kaya'y biglang mabuwal at mamatay. Nang matagal na silang naghihintay at wala namang masamang nangyayari sa kanya, nagbago sila ng palagay. “Siya'y isang diyos,” sabi nila.

 

PAG-AARAL NG SALITA NG DIYOS

Nakagat ka na ba ng aso o ng pusa? Kahit pa alaga natin ang aso o pusa, may risk pa rin na makakuha tayo ng rabies kaya as soon as possible, dinadala natin agad sa doktor para mabakunahan ng anti-rabies at anti-tetanus ang taong nakagat.

Sa kwento natin ngayong gabi, nire-recall ni Dr. Luke (ang sumulat ng aklat ng Mga Gawa o Acts) ang nangyari sa kanila sa isla ng Malta, kung saan tinuklaw si Pablo ng ahas habang nangunguha siya ng mga kahoy na ilalagay sa apoy. Maginaw noong mga panahong iyon (27:12), katulad sa panahon natin ngayon–idagdag pa na galing lang sila sa bagyo sa dagat na naging sanhi ng pagkasira ng kanilang barko (27:41). Imagine the scenario: nagkaroon ng shipwreck, babad sila sa tubig-dagat, napadpad sa isla ng Malta, kung saan inasikaso sila ng mga tao doon at binigyan sila ng apoy para mabigyan sila ng init, tapos natuklaw pa ng ahas si Pablo.

 

Bulung-bulungan ng mga tao doon, “siguro sobrang samang tao ni Pablo–nakaligtas nga siya sa bagyo sa dagat, pero hinahabol pa rin siya ng hustisya!” Noong unang panahon, mayroon silang malalim na "sense of justice"–ang matuwid ay nakakaligtas, ang masama ay hinahabol ng kamatayan. At madalas ginagamit ang mga hayop, katulad ng ahas, bilang divine punishment (see Amos 5:19).

Pero winasiwas lang ni Pablo ang kanyang kamay–at hindi siya napahamak! Walang lason, walang pamamaga, walang pagkabuwal at lalong walang pagkamatay. Kaya nagbago sila ng haka-haka–“baka naman siya ay isang diyos?” sabi nila.

 

Maikling kwento lang ito subalit makaka-relate tayo sa mga katotohanang nakapaloob dito:

 

1.      Maging sa oras ng panganib, kasama natin ang Diyos.

Hindi ipinangako ng Diyos na magiging problem-proof o worry-free ang buhay natin kapag tayo ay nagkaroon ng personal na relasyon sa Kanya. Subalit ang pangako niya, katulad ng sinasabi ng awit na hango sa Isaiah 43:2

Kapag dumaan ka sa malalim na tubig, sasamahan kita;    tumawid ka man sa mga ilog, hindi ka malulunod;dumaan ka man sa apoy, hindi ka masusunog,    hindi ka matutupok.

Anuman ang sitwasyon–payapa man o may kaunting lubak sa buhay, makakaasa tayong kasama natin ang Diyos. Katulad ni Pablo sa kanyang missionary journey, hanggang sa shipwreck at sa tuklaw ng ahas, hindi siya natinag dahil alam niyang hindi siya pababayaan ni Hesus.

 

2.      Iingatan tayo ng Diyos, subalit hindi natin icha-challenge ang kaya Niyang gawin.

Ang sabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Binigyan ko kayo ng kapangyarihang tapakan ang mga ahas at mga alakdan, at daigin ang lahat ng kapangyarihan ng kaaway; at walang makakapanakit sa inyo” (Luke 10:19). Ito ay nang isinugo niya sila for mission work.

Subalit kahit na alam natin na kasama natin ang Diyos, at makapangyarihan siya laban sa mga panganib na ating pinagdadaanan, hindi ibig sabihin nito na magiging padalos-dalos tayo sa ating mga desisyon. Hindi tayo basta-basta papasok sa mga delikado at mga sitwasyong ikapapahamak natin. Ang pag-iingat ng Diyos ay hindi license para sa atin na i-challenge siya. Hindi lang protection ang ibinibigay sa atin ng Panginoon–wisdom din.  

 

3.      Ang ating kaligtasan ay magtatanghal sa Kanyang pangalan.

Sa lahat ng mga pinagdaanan nating panganib–nang muntikan kang mahulog kung saan, nang muntikan kang mabudol, nang maholdap ka, nang maaksidente ang sinasakyan mong jeep, o anumang nangyari o “kamuntikan” nang mangyari, ang ending ay “Thank You, Lord” pa rin kasi nananatili pa rin tayong nakatayo at nagpapatuloy.

Nang dahil sa nangyari kay Pablo, nagbukas ito ng pagkakataon upang makapag-minister siya sa mga taga-Malta. Hindi niya inangkin ang “glory” dahil sa protection ng Lord sa kanya. Ibinalik niya sa Diyos ang “glory” dahil ipinakilala niya kung sino ang tunay na nagpapagaling–ang Tunay na Diyos!

 

Conclusion: Delikado na ba? Anuman ang sitwasyon ng buhay mo ngayon, nariyan si Hesus para magbigay ng proteksyon. Kaya’t palagi nating hilingin sa Kanya ang pag-iingat at palagi tayong maging aware na kasama natin Siya sa tuwina. Hindi lang basta simpleng awitin ang “Kasama Natin ang Diyos” - ito ay tunay at maaari nating panghawakan sa oras ng panganib o ng kapayapaan.

May proteksyon pala? Akala mo lang wala, pero meron! Dahil kasama natin si Hesus!

 

PANALANGIN - Mag-assign sa pamilya kung sino ang may ibig mag-pray, kahit simple lang basta may pagtitiwala sa Dios!

1.      Magpasalamat sa pag-iingat ng Diyos sa bawat miyembro ng pamilya – sa mga nagtatrabaho, nag-aaral, nagi-stay sa bahay. Patuloy na pag-iingat sa araw-araw.

2.      Sa mga nasalanta ng bagyo, baha, at mga pagguho ng lupa dahil sa sunod-sunod na pag-ulan. Isama na rin ang mga nawalan ng pagkakataong makapagtrabaho at kumita dahil sa masamang panahon.

3.      Ang mga nasa ibang bansa – mga OFWs na nagtatrabaho upang may maitulong sa pamilya. Pag-iingat laban sa mga mapang-abusong sistema, at laban sa tukso dala ng homesickness.

4.      Ang church service sa Sunday – lahat ng mga tatayo sa entablado, at sa lahat ng makikinig at maabot sa Salita ng Diyos.

5.      Mga personal prayer requests, at kung may mga requests na nais ipanalangin ng pamilya.

 

PAGPAPATOTOO

Sino ang gustong magpasalamat sa Dios? Magpatotoo sa ginagawa ng Dios sa iyong buhay. Gawing ABC (Accurate ang kuwento; Brief lang, walang paliguy-ligoy; Christ-Centered, hindi tayo ang bida.) Itaas ang Panginoong Hesus!

 

PAALALA

1.      Mag-like  o mag-heart sa MARIKINA FOURSQUARE GOSPEL CHURCH Facebook

2.      Maaaring balikan ang mga mensahe natin tuwing linggo sa ating YouTube channel

3.      Patuloy na mag-attend ng ating church services: 

            First Service: 7:30-9:30 am                    Second Service: 10:30 – 12:30 pm

4.      May mga Sunday School department classes tuwing 9:30-10:30 am: Adult Women (TeaTime); Adult Men (Kapehan); Teens and Youth (Brewkada); Tuwing unang Linggo ng buwan, same time:  Young Adults (Breaktime)

 

PANGWAKAS NA PANALANGIN, PICTURE-TAKING, PAGSASALO-SALO, PAG-COLLECT NG OFFERINGS

Magpasalamat sa Dios sa sagot sa panalangin. Isama na rin sa panalangin ang pagsasalu-saluhang biyayang pagkain ng Dios, kung mayroon.

Kung nais mag-collect ng offerings bilang isang pamilya, ilagay lang sa isang sobre na may label na Family Prayer Cell. Ito ay voluntary.

Kung magpo-post ng picture sa social media, gamitin ang hashtag na #familyprayercell

Comments


©2026 by Marikina Foursquare Gospel Church. Proudly created with Wix.com

bottom of page